nandito ka
Pigsa sa Pwet – Paano Masosolusyonan? Uri ng Pigsa 

Pigsa sa Pwet – Paano Masosolusyonan?

loading...

Ang pigsa sa ay isang kondisyon kung saan ang balat ay may impeksiyon na nagsisimula sa hair follicle o oil glands. Ito ay dahil sa bakteryang tinatawag na Staphylococcus aureus. Ang balat ay nagkakaroon ng bukol na may nana. Nagsisimula ito na katulad lamang ang laki sa taghiyawat hanggang sa maging kasinlaki ito ng bola ng tennis. Ang pigsa ay maaaring tumubo sa kahit anong parte ng katawan. Ngunit may ilang parte ng katawan na mas madalas itong tumubo. Halimbawa nito ay ang leeg, mukha, kilikili, balikat, likod, pwet at kahit na sa pribadong parte ng katawan. Tatalakayin ng artikulong ito ang tungkol sa pigsa sa pwet.

Ano ba ang pigsa sa pwet?

Ang pigsa sa pwet ay isa sa mga pinakamasakit na uri ng pigsa dahil sa lokasyon nito na hindi kaaya-aya. Ang pagkakaroon ng pigsa sa pwet ay siyang nagpapahirap sa isang tao na umupo ng maayos. Kapag nabigyan ng pwersa ang bahaging ito, nagdudulot ito ng hapdi at sakit kaya napakahalagang malapatan agad ito ng tamang lunas. Ang pigsa sa pwet ay nagdadala ng panganib dahil sa maaari itong magdugo ng hindi namamalayan kapag ito ay napabayaan. Maaaring isa ka sa mga taong pinapahirapan ng pigsa sa pwet o may kakilala kang nasa kalagayang ito.

Ano ba ang mga sintomas ng pigsa sa pwet?

Maraming sintomas ang pigsa. Heto ang ilang sa mga komon na sintomas nito:

  • Pagkakaroon ng bukol- Nagsisimula ang pigsa bilang matigas, namumula at mahapding bukol na kalahating pulgada lamang ang laki. Pagkaraan ng ilang araw, ang bukol na ito ay mas lumalaki at nagiging mas masakit. Ito rin ay nagiging malambot at nagkakaroon ng nana sa gitnang bahagi nito. Minsan, nagiging mas malubha ang impeksyon at nadadagdagan ang mga simtomas na maaari mong maranasan.
  • Pamumula- Nagkakaroon ng pamumula, pamamaga at pananakit sa paligid ng pigsa. Senyales ito ng karagdagang impeksyon sa pigsa.
  • Pagkakaroon ng bagong pigsa sa paligid ng naunang bukol-Kapag ang malaking pigsa ay napisa at pinilit na palabasin ang nana, kakalat ang impeksyon mula rito na nagiging rason upang magkaroon ng ilang bago at maliliit na pigsa.
  • Pagtaas ng temperatura ng katawan- Isang senyales din ang pagkakaroon ng lagnat.
  • Pamamaga ng mga lymph nodes- Ang mga kulani na malapit rito ay namamaga na senyales ng pagkakaroon ng impeksyon.

Kadalasang nagkakaroon ng pigsa ay ang mga taong mahina ang immune system, yaong may diabetes at iba pang malubhang sakit dahil nahihirapan ang dugo na dumaloy sa mga parteng ito ng katawan. Maaaring magkaroon din ng pigsa ang mga taong naninigarilyo at sobrang mataba o obese.

Bakit mas madaling magkaroon ng pigsa sa pwet?

Isa ang pwet sa pinakamadaling magkaroon ng impeksyon na nagdudulot ng pigsa. Bakit kaya? Una, ang pwet ay isang bahagi ng katawan na hindi naaarawan. Pangalawa, mas madaling maipon ang mga patay na selula ng balat at hindi ito madaling malinisan. Ang pagsusuot ng masikip na damit ay maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng pigsa sa pwet. Dahil dito, mas madaling kumalat ang bakteryang staphylococcus. Ang pigsa ay maaaring tumubo sa mga butt crack o kaya ay sa butt cheeks. Ngunit ito ay hindi tumutubo sa anus o butas ng pwet.

Ano ba ang dapat gawin kapag may pigsa sa pwet?

Ang pagkakaroon ng pigsa sa pwet ay napakahirap at nakakabalisa dahil maaaring makaabala na ito sa araw-araw na mga gawain ng isang tao. Dahil sa sakit na dulot nito, nagiging mahirap na kahit ang simpleng pag-upo at paghiga. Ang tamang paraan paggamot sa pigsa sa pwet ay dapat sundin upang mas mapabilis ang paggaling ng pigsa. Nangangailangan ng mahabang panahon at maingat na paggagamot ang pigsa dahil maaaring tumagal ito ng ilang araw o hanggang ilang linggo, depende sa lawak ng impeksyon nito. Kapag napansin mong may namumuong bukol na may nana sa bandang pwet, sundin kaagad ang mga sumusunod:

  • Magsuot ng maluwang na pantalon o shorts- Ito ay upang maibsan ang sakit na dulot ng pigsa sa pwet. Kapag masikip ang suot mo, nagkakaroon ng pressure sa bandang pwet at nagdudulot ng hapdi at sakit. Maaari ding mauwi ito sa komplikasyon kapag napabayaan at makaranas ng pagdurugo sa apektadong bahagi. Matatagalan ang paggaling nito.
  • Lagyan ng malambot na unan ang upuan- Upang hindi magkaroon ng pressure sa pagitan ng upuan at ng pwet, marapat na maglagay ng malambot na bagay katulad ng unan sa upuan.
  • Umupo gamit ang isang butt check na walang pigsa- Isang magandang paraan ito upang hindi maipit ang pigsa at maimpeksyon.
  • Mag-ingat sa paliligo- Ingatan ang bandang pwet kapag nagsasabon dahil maaaring matamaan ang sugat at maimpeksyon. Huwag kuskosin sa bahaging ito. Linisan lamang ito sa ibang paraan na hindi matatamaan ang sugat.
  • Lapatan ng alcohol ang pigsa- Isa itong paraan upang malinisan ang pigsa at maiwasan ang pagdami ng bakterya sa apektadong bahagi. Mag-ingat din sa paggawa nito at gumamit lamang ng malinis na tela o cotton.

Paano gamutin ang pigsa sa pwet?

Kahit na mahapdi at masakit ang pigsa sa pwet, hindi naman ito ganoon kaseryoso at maaari namang magamot sa bahay. Tandaan na hindi madaling pagalingin ang pigsa at kailangang sundin ang mga instruction na nakasaad dito.

  1. Kailangang pahalagahan ang kalinisan – Maging sa pigsa o sugat hanggang sa kapaligiran, kailangang maging malinis. Tandaan na ang pigsa ay madalas na nakukuha sa maruming kapaligiran kung saan mas mabilis kumalat ang bakteryang sanhi ng pigsa. May pigsa man o wala, ugaliing maligo araw-araw at gumamit ng sabon na antibacterial upang maiwasan ang pagkakaroon nito. Magsuot ng malinis na mga underwear at damit. Siguraduhing malinis ang lahat ng bagay na lalapat sa iyong katawan.
  2. Linising mabuti ang sugat – Kapag ang pigsa ay naging open wound o lumabas na ang mga nana mula rito, hugasan ito gamit ang malinis na tubig at antiseptic. Lagyan ito ng malinis na bandage. Iwasang maging moist ang bahaging may pigsa dahil mapapadali nito ang pagdami ng bakterya. Palitan ang bandage dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw.
  3. Hot Compress – Gumawa ng hot compress at ilapat ito sa pigsa. Nakakatulong ito sa pagdaloy ng dugo sa bahaging may pigsa. Napapalambot at nababawasan din nito ang pamamaga. Nakakatulong din ito na madaling mapalabas ang nana mula sa pigsa.
  4. Aloe Vera – Ito ay isang mabisang anti-inflammatory at mainam na ilapat sa pigsa. Pagkatapos linisin ang pigsa, maglagay ng gel ng aloe vera dito. Nakakatulong ito na mabawasan ang pamamaga at hapdi ng pigsa.
  5. Turmeric – Ito ay isang natural na anti-inflammatory na maaaring gamitin para sa pigsa sa pwet. Gumawa ng paste gamit ang turmeric at ilapat ito sa pigsa upang mabawasan ang pamamaga at impeksyon.

Mahirap ang pagkakaroon ng pigsa sa pwet lalo na ang paggamot nito. Kailangan mong magpatulong sa ibang tao kapag hindi mo kayang ilapat ang gamot sa apektadong bahagi. Maaari ding gumamit ng salamin upang makita ang iyong sarili at ang bahaging may pigsa. Huwag hawakan ang pigsa kapag marumi ang kamay dahil nakakadagdag lng ito sa impeksyon. Marapat ang takpan ang bahaging may pigsa upang hindi maimpeksyon at hindi ka matuksong hawakan ito. Nawa’y makatulong ang mga impormasyong nakasulat dito.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Pigsa sa Pwet – Paano Masosolusyonan?
4.6 (91.43%) 7 votes

loading...