Pigsa sa Pepe – Paano Ba Gamutin?

Ang pagkaroon ng pigsa sa pepe ay isang hindi kaaya-ayang sitwasyon para sa mga babae dahil ito ay nagdudulot ng sakit sa pribadong parte ng katawan at marami ang nahihiyang ilahad ang problemang ito sa ibang tao. Ang pagkakaroon nito ay madalas namang mangyari at hindi dapat masyadong mabahala dahil dito. Ang pigsa ay kadalasang nabubuo sa mga bahaging palaging nakukuskos sa damit tulad ng singit, kilikili at sa ari. Madalas ding magkaroon ng pigsa ang mga parte ng katawan na mabuhok dahil ang buhok na natitira sa pag-aahit ay nagiging sanhi din ng pigsa.

Paano maiwasang magkaroon ng pigsa sa pepe?

Ang pag-aahit sa pepe ay isang dahilan ng pagkakaroon ng pigsa. Hindi naman ipinagbabawal na gawin ito ngunit kailangang sundin ang sumusunod na tips. Gawin ang pag-aahit sa loob ng shower o habang naliligo dahil basa pa ang mga buhok sa pepe. Gumamit ng matalas na pang-ahit at ahitin ito na naaayon sa direksyon ng pagtubo ng buhok upang maiwasan ang pagkakaroon ng ingrown hairs na maaaring magdulot ng pigsa.

Paano gamutin ang pigsa sa pepe?

Nakakatulong ang warm compress para malunasan ang pigsa. Nababawasan nito ang hapdi at sakit na dulot ng pigsa sa pepe. Napapabilis din nito ang paggaling pigsa. Kumuha ng malinis na tela at ibabad sa maligamgam na tubig. Ilapat ito sa bahaging may pigsa. Kapag ang pigsa naman ay nasa loob ng pepe, mahirap gawin ang prosesong ito. Maaaring maglagay na lamang ng maligamgam na tubig sa tub at ibabad ang ibabang bahagi ng iyong katawan.

Huwag pisain ang pigsa dahil maaaring magdulot ito ng karagdagang komplikasyon. Nakakasama ito at nakakapagpalala sa pamamaga at impeksyon. Kadalasang nawawala ng kusa ang pigsa makaraan ng ilang araw o linggo.

Kailan maaaring magpakonsulta sa doktor?

Kapag ang iyong pigsa sa pepe ay nagdudulot na ng sobrang sakit at hindi nawala kahit nilalapatan ng mga home remedies sa loob ng ilang linggo, maaari nang magpakonsulta sa doktor. Isang senyales din ang sobrang paglaki ng pigsa at pagtaas ng temperatura ng katawan o pagkakaroon ng lagnat. Ang pabalik-balik na pigsa sa pepe ay maaaring senyales na kailangan mo nang magpatingin sa doktor upang malaman ang dahilan nito.

Huwag mahiyang magpatingin sa doktor kapag may pigsa sa pepe. Marami nang taong katulad mo ng sitwasyon ang natulungan nilang magamot ang pigsa. Kapag nagpakonsulta ka sa doktor, maaaring bigyan ka nila ng gamot para sa pigsa o kaya ay magbigay ng suhestiyon na alisin ang nana mula sa pigsa. Ang pag-aalis ng nana mula sa pigsa ay isang mabuting paraan upang maiwasan ang karagdagang impeksyon ngunit dapat ay gawin lamang ito ng mga eksperto tulad ng doktor. Ang doktor ay gagawa ng isang maliit na butas sa iyong pigsa upang doon lumabas ang nana. Maaari kang humiling ng anesthesia kung sa tingin mo ay hindi mo makakaya ang hapdi. Walang kailangan ikatakot sa prosesong ito dahil alam ng doktor ang kanyang ginagawa at para din ito sa ikabubuti ng iyong sitwasyon.

KATULAD NA MGA ARTIKULO