nandito ka

Paano ba ang tamang pigsa treatment?

loading...

Ang pamamaga at pamumula ng balat na may kasamang naa sa gitnang bahagi ng bukol ay tinatawag na pigsa. Maaaring magsimula ito na kasingliit lamang ng buto ng sitaw at lumaki na katulad ng isang bola ng golf. Ito ay isang impeksyon sa balat na sanhi ng isang bakterya. Hindi naman gaanong seryoso ang kondisyong ito ngunit makakaranas ng hapdi at sakit ang sinumang may pigsa. Maaaring magamot kahit sa bahay lang ang pigsa. Narito ang mga paraan ng pigsa treatment.

  1. Maglapat ng hot compress sa pigsa – Kapag napapansin mong may maliit na namumula at namamagang bukol sa iyong balat, agad na maglapat ng hot compress. Nakakatulong ito upang hindi masyadong lumala ang iyong nagsisimula pa lang na pigsa. Paano ba gumawa ng hot compress? Kumuha ng malinis na tela at ilagay ito sa mainit-init na tubig hanggang sa mabasa at maabsorb nito ang init. Pigain ito at ipatong sa bahaging may pigsa. Maglapat ng kaunting pressure at idiin ito ng bahagya sa parteng ito ng lima hanggang sampung minuto. Ulitin ng ilang tatlo o apat na beses sa isang araw. Nakakatulong ito na maibsan ang sakit at mapalabas ang nana mula sa pigsa. Ang init mula sa hot compress ang siyang makapagpapabuti ng sirkulasyon ng dugo sa bahaging ito at makapagdadala ng white blood cells na makakatulong labanan ang mga impeksyon na magiging sanhi ng paglala ng pigsa. Dahil dito, mas mapapadali ang paggaling ng iyong pigsa.

    Maaaring sundin ang isa pang paraan ng paglalapat ng init sa pigsa. Ito ay ang hot bath. Kung ang pigsa ay nasa ibabang bahagi ng iyong katawan o kaya ay posible na maibabad ito sa mainit-init na tubig, maaari itong gawin. Halimbawa, kung ang iyong paa ang may pigsa, marapat na ibabad ang iyong paa na may pigsa sa tubig na katulad ng sa foot spa.

  2. Huwag hiwain o tirisin ang iyong pigsa – Kapag nagiging malambot na ang pigsa, nakakatuksong tirisin o tusukin ito ng karayom o matatalim na bagay. Gustung-gusto mong palabasin ang nana mula rito. Ngunit hindi ito inirerekomenda dahil ito ay maaaring maging sanhi ng mas malalang problema. Maaaring maimpeksyon ito at kumalat ang bakterya na nagiging sanhi ng pagdami ng pigsa. Ipagpatuloy ang paggamit ng hot compress sa pigsa at sa loob ng dalawang linggo, lalabas na ang nana sa natural na paraan at magiging tuluy-tuloy na ang paggaling ng iyong pigsa.
  3. Hugasan ang pigsa gamit ang antibacterial na sabon – Sa panahong lumalabas na ang nana mula sa pigsa, panatilihing malinis ang bahaging ito. Hugasan ang pigsa gamit ang antibacterial na sabon at maligamgam na tubig hanggang mawala na ang lahat na deposito ng nana sa iyong pigsa. Kapag malinis na, punasan at patuyuin ito sa pamamagitan ng malinis na tuwalya na kailangang labhan pagkatapos upang maiwasang kumalat ang bakterya.
  4. Lagyan ng antibacterial cream ang pigsa – Pagkatapos na matuyo ang pigsa, lagyan ng antibacterial cream ang bahaging ito at takpan ng gasa upang magpatuloy sa paglalabas ng nana ang pigsa kung mayroon pang natitira. Kailangang palitan palagi ang gasa upang maiwasan bumalik ang impeksyon. May mabibiling mga antibacterial ointments at creams sa mga botika na sinadya para sa paggamot ng pigsa.
  5. Ipagpatuloy ang paglalagay ng hot compress sa bahaging may pigsa – Gawin pa rin ang hot compress hanggang sa gumaling ang pigsa. Panatilihin itong malinis at sundin pa rin ang mga paraang nakasulat dito. Dapat tandaan na kailangang maghugas ng kamay bago at pagkatapos hawakan ang pigsa. Mas magiging madali ang paggaling ng pigsa at maiiwasan pa ang mga komplikasyon kung palaging malinis ang paligid ng pigsa. Asahan ang paggaling nito sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
  6. Magpatingin sa doktor – Ang opsyong ito ay gagawin lamang kapag hindi gumaling ang iyong pigsa sa loob ng dalawang linggo matapos na sundin ang mga bagay na nakasulat sa ibabaw. Isaalang-alang din ang pagpapatingin sa doktor kapag mas lumala ang pigsa- namumula at namamaga na ito ng higit sa pangkaraniwan. May ilang uri ng pigsa na nangangailangan ng pagpapatingin sa doktor dahil sa lokasyon nito. Katulad na lamang ng pigsa na nasa ilong o kaya ay sa tenga. Ang pigsa sa mukha at gulugod ay mahirap ding malunasan ng mga paraang ito at marapat na ipakonsulta sa doktor. Kung ang sitwasyon mo naman ay ang pabalik-balik na pigsa, pwedeng ipatingin na ito sa doktor dahil maaaring may ibang dahilan ang pagkakaroon mo ng pigsa. Kapag ang pigsa ay sinabayan na ng lagnat at pamamantal mula rito, humingi na ng payo ng eksperto. Kailangan ding ipatingin kung may cancer o diabetes ang taong nagkaroon ng pigsa dahil maaaring hindi makaya ng katawan ang pagalingin ang kanyang sarili at labanan ang impeksyon. Katulad din ito ng mga taong umiinom ng mga gamot na corticosteroids o gamot na nagpapahina ng immune system.

Sa panahong magpapatingin sa doktor, susuriin nya ang sanhi ng iyong pigsa at mga impeksyong maaaring nakapagpalala nito. Nagsasagawa din sila ng incision at drainage gamit ang kanilang mga nakaisterilisadong surgical instruments upang matanggal ang nana mula sa pigsa. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paghiwa ng kaunti sa tuktok ng pigsa. Kailangang panatilihing malinis ang paligid ng pigsa bago ang pag-oopera nito. Kapag malalim naman ang impeksyon, binabalutan muna nila ito ng isterilisadong gasa at binababad para makatulong na lumabas ang nana. May ilang sitwasyon naman na hinihingi ng doktor na magpablood test ang pasyente upang malaman kung anong uri ng impeksyon ang presente sa pigsa. Nagrereseta din ng antibiotic ang mga doktor depende sa sitwasyon ng pigsa. Halimbawa ay kung malala at pabalik-balik na ang pigsa.Kapag lumabas na ang nana, kinukuhanan ito ng specimen upang gawing culture. Dito malalaman kung anong uri ng bakterya ang sanhi ng iyong pigsa. Isang bagay na makikita sa paraang ito ay ang pagtugon ng iyong katawan sa antibiotic na binigay ng doktor. Siguraduhing nasusunod ang mga bilin ng doktor tungkol sa tamang paglilinis ng pigsa at paggamot nito sa bahay. Kailangan ding sundin ang mga reseta at ang tamang doses ng antibiotic.

Maaaring mapagaling ang pigsa, sa bahay man o kaya ay sa pagpapatingin nito sa doktor. Kailangan lamang na sundin ang tamang pigsa treatment.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Paano ba ang tamang pigsa treatment?
4 (80%) 1 vote

loading...